3 Chinese na preso sa Davao, patay matapos pagsasaksakin

Patay ang tatlong Chinese nationals Sabado ng gabi matapos pagsasaksakin ng dalawang kasamahang preso habang nasa loob ng Cell Number Six Disciplinary Dormitory o bartolina sa loob ng Davao Penal Colony sa bayan ng Braulio E. Dujali, Davao Del Norte.

Idineklarang dead on arrival sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City ang tatlong biktima na kinilalang sina Wong Ming Pin, 53 anyos; Chu Kin Tung alias Tony Lim, 46 anyos; at Yan Li Lan alias Jackson Li, 54 anyos.

Ang tatlong Chinese ay pawang may mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kaya nakapiit sa maximum security unit ng Davao Penal Colony.

Kinilala ang mga Filipinong suspek na sina Fernando Magdadaro, 48 anyos, at Leopoldo Tan, 46 anyos, na parehong may kasong kaugnay sa iligal na droga.

Source: ABS CBN News